Tags
May mga bagay lang akong nais linawin mula sa iyo. Pero dahil alam kong hindi ka na makasasagot, maglalahad na lang ako ng ilang mga mababaw na punto na gumugulo sa aking isipan.
Ano para sa iyo ang kabataan? Marami nang henerasyon ang nagdaan ngunit hindi pa rin mahanap ng Pilipinas ang tinutukoy mong pag-asa ng bayan. Marami na ang umangkin ng kataga mo, isinapuso, pero bigong magampanang mahila ang Pilipinas patungo sa kaunlaran. Marami na ang nadismaya dahil sa ipinatong mong korona sa kabataan ng bansa natin.
Batid mo ba ang mga may edad na beinte anyos pababa? Nakikita ba edad ang pagiging tagasalba ng nalulunod na bayang iginigiliw? Ibig mo bang sabihin, Jose, na kapag ang isang Pilipino ay lumagpas na sa tinuturing na kabataan ay lipas na rin ang kanyang tungkulin?
Naalala ko noong pinag-aaralan namin ang buhay, gawa at dulot mo sa bayan bago at matapos kang barilin sa Bagumbayan. Nagkaroon kami ng diskusyon sa tinuran mong “Ang kabataan ay pag-asa ng bayan.” Nahati ang klase namin sa dalawa.
Tama ka na ang kabataan ang susunod na lider ng ating bansang Pilipinas. Sa kanila nakasalalay ang kinabukasan – mapa-madilim man o maliwanag – ibinigay mo sa kanila – tanggap man nila o hindi – ang bigat ng buong bansa. Pero sino nga ba ang tinutukoy mo na kabataan? Nagbago na kasi, Jose, ang mga Pinoy. Ibang iba sa panahon noong sinabi ang katagang iyon.
Hindi sa wala akong tiwala sa kabataang Pinoy ngayon. Pero ang tunay na makapag-aalis sa atin sa kahirapan ay hindi makakamit sa paisa-isang pagkilos at pagsusumikap. Kami, kabilang ang mga magulang, mga guro’t iba pang manggagawa, maging ang mga magnanakaw ng kaban at mga nagmamalinis sa lipunan ay kasapi na maaaring magtulak sa pag-usbong ng ating ekonomiya.
Hindi kayang sarilinin ng mga kabataan ang isang bansang naghihilahan. Mga tao dito’y makasarili. Hayok sa pansiriling kaunlaran. Akala nati’y kasabay ng pagdami ng ating salapi ay gayon din ang pagyaman ng Pilipinas. Napakarami nating milyonaryong kababayan ngunit sa kabilang mundo, sa lugar na hindi nila ginagalawan at sinisilip, naroroon ang mga isang kahig isang tuka. Nahihilo sa paghahanap ng makakain.
Gusto kong bawiin mo ang iyong sinabi. Maawa ka sa kabataan ng henerasyon. Pagbuklod buklodin mo muli ang ating kababayan tulad ng sinimbolo ng iyong kamatayan. Lahat tayo ay pag-asa ng bayan. Paalabin mo ang tulog na nasyonalista sa puso ng madami dahil kahit lumipas man ang napakatagal na panahon, ang iyong impluwensya ay hindi na maglalaho at patuloy na pahahalagahan.
Nakikinig ka ba, Jose? Natutulog ka pa rin? O iniwan mo na kaming tuluyan?
Siya nga pala, Maligayang kaarawan! Hanggang sa muling kaarawan at kamatayan mo, kaibigan.
Ako ito,
Daniel.
PS. Patawad kung maraming tanong sa akin. Patawad dahil kahit alam kong ni isa ay hindi mo na maaaring malinaw at masagot ay tuloy pa rin ang aking pagsulat sa iyo.