mariaqlara:
Mga batang Tundo,
hindi ko hinihiling na kilalanin ninyo ako,
itigil pa ang ikot ng mundo
para lang sauluhin ang araw ng kapanganakan ko.
Hindi ko inaatas
na kayo’y sa bolo kumapit;
itaas
Sa akin kayo’y simpleng lumapit—
Tayo’y wagas,
magkakonekta sa dugo,
sa mga nakatiklop na mga manggas,
dati, ako ri’y nagtatago.
Sa Guardia Civil na noo’y walang habas
ako’y buong tapang na kumakaripas.
Hihiling muna ng basbas
sa akin na Supremo—walang lugar na ligtas.
Kilala niyo ba si Jose?
Tulad ko’y lolo rin siya ng marami.
At parehas na nagtataka kami,
mga kabagabagan niyo ay kay rami?
Lupang dinilig ko ng dugo
bakit patuloy na nadidiligan?
Hindi ba’t hindi na tayo bilanggo
sa sariling bayan?
At bakit, o bakit
ika’y may katabing patalim?
Ano ang mga paketeng nakasabit
sa gitna ng dilim?
Batang Tundo,
at sa lahat ng mga Pilipino,
itayo ninyo ang bantayog ko;
itigil na ang pagdidilig ng dugo.
Oras naman upang
umahon sa parang
at humilom ang sugat
ng ina nating Pilipinas.
Hindi ko man ito masaksihan,
nais kong ito’y inyong matamasa—
isang lupang may pag-asa,
isang naghilom bayan.